MANILA, Philippines — Mapapanood ng mga karerista ang muling pagsalang sa pista ng Boss Emong sa magaganap na PCSO ‘Silver Cup’ stakes race na ilalarga sa Oktubre 13 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Nagsaad ng pagsali ang mga connections ni former Philippine Sportswriters Association (PSA) - Horse of the Year awardee Boss Emong sa event na may distansyang 1,800 meter race.
Ang Boss Emong na dating kampeon sa nasabing event noong 2022 ay makakatagisan ng bilis ang 10 pang mahuhusay at mas batang kabayo sa kanya na nagsaad ng pagsali sa event na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
May nakalaan na tumataginting na P4M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang ibang sasali ay ang Basheirrou, Diversity, Don Julio, Easy Does It, Istulen Ola, Jungkook, La Trouppei, Magna Cum Laude, Prime Billing at War Cannon.
Ayon sa mga karerista, posibleng magpakitang gilas ang mga kalahok na Don Julio, Basheirrou, Magna Cum Laude at War Cannon na kilalang tigasin sa karerahan.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P2.4M, mapupunta sa pangalawa ang P800,000, makokopo ng tersero ang P400,000 habang P200,000, P120,000 at P80,000 ang fourth hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.