MANILA, Philippines — Pakay ng University of the Philippines na palakasin ang kapit sa No. 1 spot sa team standings sa pagharap sa University of Sto. Tomas sa Season 87 ng UAAP men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Solo sa tuktok ng liderato ang Fighting Maroons na kakapitan ang kanilang momentum matapos itarak ang five-game winning streak.
Nakatakda ang kanilang laban ng Growling Tigers ngayong alas-4:30 ng hapon.
Maganda ang pagkapanalo ng UP sa kanilang huling laban dahil umahon sila mula sa 22-point deficit sa second quarter kontra Adamson University Soaring Falcons.
Nagliyab ang opensa nina Harold Alarcon, Terrence Fortea at Quentin Millora-Brown para makahabol sa second half at masikwat ang panalo kontra Adamson, 69-57.
Kaya tiyak na sina Alarcon, Fortea at Millora-Brown ang muling sasandalan ng Fighting Maroons para masungkit ang pang-anim na sunod na panalo.
Ayon naman kay UP Head coach Goldwin Monteverde, hindi nila iisipin na wala silang talo basta lalaro lang sila at gagawin ang mga inensayo nila ng kanyang mga bataan.
“We’re not going to put our minds in our undefeated situation but rather tackle what’s on our plate for now,” sabi ni Monteverde.
Nasa No. 3 spot ng team standings ang UST kasalo ang University of the East Red Warriors hawak ang parehong 3-2 records.
Nais ng Growling Tigers na tuldukan agad ang pagkatalo nila sa nakaraang laban upang manatili sa magic four.
Samantala, maghaharap sa alas-6:30 ng gabi ang University of the East Red Warriors at Ateneo Blue Eagles.
May 3-3 baraha ang Red Warriors sa itaas ng 1-4 kartada ng Blue Eagles.
Umiskor ang UE ng come-from-behind 57-51 win sa National University (1-5) at nakalasap ang Ateneo ng 65-66 overtime loss sa Far Eastern University (1-5).
“We cannot afford to relax. They are a strong team,” wika ni Red Warriors coach Jack Santiago sa Blue Eagles.