MANILA, Philippines — Sasarguhin ng University of Santo Tomas at Far Eastern University ang titulo sa women’s at men’s divisions ng 2024 V-League Collegiate Challenge.
Aarangkada ngayong araw ang Game 2 ng best-of-three finals sa Philsports Arena sa Pasig City.
Parehong hawak ng Golden Tigresses at Tamaraws ang 1-0 bentahe sa kani-kanilang serye.
Nahablot ng Golden Tigresses ang Game 1 nang patumbahin nito ang Lady Tamaraws sa pamamagitan ng 25-22, 25-18, 25-14 panalo.
Muling magtutuos ang UST at FEU sa alas-5 ng hapon.
Pakay ng UST na walisin ang torneo at masungkit ang kanilang unang titulo sa liga sapul noong 2010.
Babanderahan ang UST nina Detdet Pepito at Jonna Perdido kasama sina power-hitting wing spikers Ange Poyos at Regine Jurado.
“Talagang ineensayo namin ‘yang ganyang situation, ‘yang skills na ‘yan. Doon kami malakas, sa gano’ng part ng defense pattern namin. Kaya nako-compensate namin sa atake kasi hindi naman kami gan’ong katangkaraan. Pero marunong kaming pumalo,” ani UST head coach Kungfu Reyes.
Sa kabilang banda, hangad naman ng FEU na makuha ang kanilang kauna-unahang V-League title sa men’s division.
Mainit din ang simula ng Tamaraws na nagtala ng 25-22, 25-20, 18-25, 25-19 panalo sa De La Salle University sa series opener noong Linggo.
Samantala, nakatakda naman ang engkuwentro ng FEU at UST sa alas-2 ng hapon.