Gurtiza itinakas ang Generals sa Pirates

MANILA, Philippines — Pinigilan ng Emilio Aguinaldo College ang dalawang dikit na kamalasan matapos takasan ang Lyceum of the Philippines University, 90-88, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Isinalpak ni King Gurtiza ang dalawa sa tatlong free throws sa huling 6.7 segundo para ilusot ang Generals sa Pirates.

Tumapos si Gurtiza na may 21 points, 5 rebounds at 5 assists para tulungan ang EAC na maitayo ang 3-4 record kapareho ng Lyceum na nalasap ang pangalawang sunod na kabiguan matapos humatak ng three-game winning streak.

“This game is very vital for us. Sabi ko nga it’s either you sink or swim. So we need to stay afloat, we need to win this game. Luckily for us we won the game,” ani coach Jerson Cabiltes.

Bago ang dalawang free throws ni Gurtiza para sa Generals ay kinuha ng Pirates ang 88-85 bentahe matapos ang three-point shot ni Gyle Montano sa huling 1:17 minuto ng final canto.

Itinabla ni Gurtiza ang EAC sa 88-88 mula sa kanyang triple sa nalalabing 59.1 segundo kasunod ang mintis na drive ni Greg Cunanan sa panig ng Lyceum.

Sa unang laro, sumosyo ang Mapua University sa second spot mula sa 88-81 paggupo sa Jose Rizal University.

Bagsak ang JRU sa 2-5 baraha.

Show comments