Falcons tumukod sa Fighting Maroons
MANILA, Philippines — Hindi maawat ang University of the Philippines sa pananagasa matapos nilang sikwatin ang 69-57 panalo laban sa Adamson University sa season 87 ng UAAP men’s basketball na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi.
Naunahan ang Fighting Maroons sa kaagahan ng laban ng malamangan sila ng Soaring Falcons ng 21 puntos, 9-31 pero agad namang sumagot ang una ng 18-2 run para tapyasin sa anim ang hinahabol, 27-33 sa halftime.
Doon na nagsimula ang momentum ng UP kaya naman nakontrol na nila ang laro sa second half at makuha ang malinis na limang panalo para manatiling nasa tuktok ng liderato.
Sumalpak ng three-pointer si Manu Anabo para ilagay ulit sa unahan ang Adamson, 46-44, pero hindi ito pinabayaan ng UP, humarurot ng 19-1 run sa pangunguna nina Terrence Fortea, Quentin Millora-Brown at Harold Alarcon.
Pagkakuha ng Fighting Maroons ng bentahe, 63-47 may anim na minuto na lamang sa orasan ay hindi na nila pinalapit ang katunggali.
Kumana si Alarcon 14 points, nagtala si Fortea ng 13 markers habang may 11 at siyam na puntos ang tinipa nina Millora-Brown at JD Cagulangan, ayon sa pagkakasunod para sa Fighting Maroons.
Pasok pa rin sa magic four ang Adamson Falcons habang nasa second spot ang defending champions De La Salle University Green Archers na may 4-1 record at No. 3 at ang UST Growling Tigers na may 3-1 karta.
- Latest