MANILA, Philippines — Mata lang ang walang latay sa hagupit at higanti ng Magnolia kontra sa Rain or or Shine, 121-69, upang maitabla ang serye nila sa 1-1 sa 2024 PBA Governors’ Cup quarterfinals kahapon sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna.
Halos dinoble ng Hotshots ang iskor ng top-seed Elasto Painters mula sa Group B na nagsimula sa 32-7 ratsada sa second quarter tungo sa kumbisidong 52-point victory matapos ang dikit na 105-109 kabiguan sa Game 1.
Nabigyan din ng magandang regalo ng Magnolia, No. 4 seed sa Group A, ang bagong import na si Jabari Bird na nagpasiklab agad sa 22 points, 13 rebounds at 2 assists.
Sumuporta kay Bird ang Best Player of the Game na si Calvin Abueva matapos itong humakot ng 18 points, 10 rebounds, 2 assist at 2 steals.
Nag-ambag din ng 12 points si Ian Sangalang at may tig-11 markers sina Mark Barroca, Rome dela Rosa at Joseph Eriobu para sa Hotshots na hahawak ng momentum sa krusyal na Game Three.
Gigil na maibawi ang dikit na pagkatalo sa Game 1, umarangkada agad si Bird at ang Hotshots sa 34-23 bago tuluyang nakalayo sa second quarter.
Sa isang pambihirang pagkakataon, limang puntos lang ang pinayagan ng Magnolia na maiskor ng Rain or Shine, habang pumutok sila ng 32 points para sa 27-point gap na naging susi nila sa panalo.
Sina Adrian Nocum at Felix Lemetti-Pangilinan na may 13 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, lang ang nakapagpasiklab sa Rain or Shine na nalasap ang kanilang pinakatambak na pagkatalo sa franchise history simula nang 71-114 kabiguan sa Barangay Ginebra noong 2009.
Ininda rin ng Elasto Painters ang injury ni import Aaron Fuller sa mata kaya nagkasya lang ito sa 4 points at 4 rebounds.