4 teams agawan sa buwenamano sa SSL

MANILA, Philippines — Sagupaang UAAP kontra NCAA agad ang babandera sa pag-arangkada ng Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 3 ngayon sa Rizal Memorial Coliseum.

Sisiklab ang aksyon sa alas-3:30 ng hapon tampok ang banggaan ng Far Eastern U at San Sebastian-College Recoletos habang duwelo naman sa alas-6 ng gabi ang University of the East at Lyceum.

Patikim palang ang double-header na opener bago ang mismo at opisyal na opening ceremony bukas ng alas-11 ng umaga sa parehong venue na sasahugan din ng tatlo pang laban tampok ang UP-La Salle, Mapua-Lyceum at Ateneo-San Beda sa hapon.

“The main focus and goal of SSL is producing champions. We learn every season and may we continue to grow,” ani chairman at CEO Dr. Philip Ella Juico ng SSL organizer na Athletic Events and Sports Management Inc., (ACES) kasama si president at COO Dr. Ian Laurel.

Sa kabuuan ay 18 koponan – 8 mula sa UAAP at 10 mula sa NCAA – ang maghahampasan sa ikatlong season ng SSL dahil sa pagbabalik ng La Salle at UP na hindi sumali noong nakaraang season.

Bida ang back-to-back champion at reigning UAAP tilist na National U sa Pool A kasama ang Arellano, Emilio Aguinaldo College, Ateneo at San Beda habang bandera sa Pool B ang Lyceum, UE, UST, Mapua at Perpetual.

Magsasabong naman sa Pool C ang La Salle, UP, Letran at Jose Rizal U habang kinumpleto ng NCAA champion College of St. Benilde, FEU, San Sebastian at Adamson ang Pool D.

Ipapalabas ang SSL sa Puso Pilipinas, SMART Livestream, Solar Sports Channel 70 sa Sky Cable at Channel 59 sa Cable Link.

 

Show comments