Tropang Giga may alas na sa Road Warriors

Umupo sa ere si TNT Tropang Giga import Rondae Hollis-Jefferson kontra kay NLEX center Michael Miranda.

MANILA, Philippines — Malakas ang signal ng reigning champion TNT Tropang Giga sa Game 1 nang umiskor ng 107-102 comeback win kontra sa NLEX sa pag-arangkada ng 2024 PBA Governors’ Cup quarterfinals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Kayod-kalabaw ang reigning Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson na kumamada ng 45 puntos, 10 rebounds at 7 assists sahog pa ang 3 steals para buhatin ang Tropang Giga sa 1-0 abante sa kanilang best-of-five quarterfinal series.

Ito ang bagong format ng PBA bilang isa sa mga dagdag na anghang ng Season 49 mula sa dating format tampok ang twice-to-beat na bentahe sa mga top-seeds tulad ng Tropang Giga.

Subalit walang kaso ito para sa Tropang Giga, No. 1 seed ng Group A hawak ang 8-2 kartada, nang maka­binyag agad sa tulong ng 13, 12 at 11 puntos nina Roger Pogoy, Jayson Castro at Rey Nambatac, ayon sa pagkakasunod.

Balanse ang atake ng TNT tampok din ang 9, 8 at 7 puntos nina Kelly Williams, Calvin Oftana at Glenn Khobuntin, ayon sa pagkakasunod.

Kontra sa No. 4 seed na NLEX ng Group B, nabulaga muna ang mga bataan ni coach Chot Reyes sa 36-49 deficit bago unti-unti itong tapyasin sa likod ni Hollis-Jefferson.

Binuhos ni Hollis-Jefferson ang 34 sa kanyang 45 puntos sa second half, kung saan bumulusok ang Tropang Giga para makaiwas sa upset papasok sa Game 2 ng race-to-three series na gaganapin sa Sta. Rosa, Laguna.

Bumomba ng 38 puntos si DeQuan Jones subalit hindi naalagan ng NLEX ang kalamangan nito tungo sa dikit na kabiguan.

Sumuporta sa kanya sina Enoch Valdez at Baser Amer na may tig-11 puntos habang nalimitahan lang sa 10 puntos ang Scoring Champion na si Robert Bolick para sa koponan ni coach Jong Uichico.

Sa kabila nito, napatu­nayan ng Road Wariors na kaya nilang sumabay sa Tropang Giga at may tsansa silang makanakaw ng panalo sa Game 2 upang makatabla at makaiwas sa 0-2 kartada.

Show comments