Batang Manda kinahon ang korona sa PRHTAI-Cong Marvin Rillo Trophy Race

MANILA, Philippines — Nasaksihan ng mga karerista ang tibay ng Batang Manda sa bande­rahan nang manalo sa PRHTAI-Cong Marvin Rillo Trophy Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

Magmamadaling lu­ma­bas ng aparato ang Batang Manda para makuha ang unahan habang pilit na kinakapitan siya ng Part Time Lover.

Lamang ng kalaha­ting kabayo ang Batang Manda sa Part Time Lover sa kaagahan ng karera, pero sa kalagitnaan ng labanan ay umungos ng one length ang una.

Uminit ang bakbakan sa unahan papalapit ng far turn nang kapitan ulit ng Part Time Lover ang Batang Manda.

Nagtagisan ng bilis sa unahan ang Batang Manda na nasa tabing balya at Part Time Lover na sa bandang labas dumaan, pagsapit ng huling kurbada.

Lumabas ang tikas ng Batang Manda sa rektahan nang makalamang na ito ng tatlong kabayo kaya kahit may lakas pa ang Part Time Lover ay nauna pa ring tumawid sa meta ang winning horse.

Ginabayan ni former Philippine Sportswri­ters Association, (PSA) - J­ockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema, nirehistro ng Batang Manda ang tiyempong 1:24.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P180,000.

Nakopo ng second placer na Part Time Lo­ver ang P67,500 habang P37,500 at P15,000 ang third at fourth na My Prancealot at Magandang Dilag ayon sa pagkakasunod.

Show comments