Fighting Maroons ‘di maawat

Iniwas ni Francis Lopez ng UP ang kanyang layup laban sa FEU defender.

Tamaraws kinaldag

MANILA, Philippines — Matibay pa rin ang kapit ng University of the Philippines sa top spot matapos nilang lamugin ang Far Eastern University, 69-58 sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi.

Tumikada si Francis Lopez ng 13 points upang tulungan ang Fighting Maroons na ilista ang malinis na apat na panalo.

Maagang ipinaramdam ng Fighting Maroons ang kanilang lakas sa unang dalawang periods matapos nilang hawakan ang 17-point lead, 39-22 sa halftime.

Nanatili ang mainit na laro ng UP sa third canto kaya naman lumamang pa sila ng 18 puntos, 55-37, papasok ng payoff period.

Hindi na pinaporma ng Fighting Maroons ang FEU sa fourth lalo pa nilang tinusta ang kalaban para makuha ang easy win.

Nag-ambag si Quentin Millora-Brown ng 11 points para sa UP habang siyam at pitong puntos ang kinana nina Janjan Felicilda at JD Cagulangan, ayon sa pagkakasunod.

Dominado ng Figh­ting Maroons ang lahat ng nakalaban dahil double digits lahat ang kanilang nilamang.

Tinalo ng UP ang National University Bulldogs ng 27 points, kinatay ang Ateneo de Manila University Blue Eagles ng 16 markers at 10 puntos lamang nila sa University of the East Red Warriors.

Patuloy na hinahanap ng FEU ang kanilang u­nang panalo matapos malasap ang pang-apat na sunod na kabiguan.

Show comments