Chua pararangalan ng Executive of the Year award

MANILA, Philippines — Pararangalan si San Miguel Corporation (SMC) Sports Director Alfrancis Chua ng tatatanging pagkilala sa PBA Press Corps 30th Awards Night na idaraos bukas sa Novotel Manila Araneta City.

Ibibigay kay Chua ang Danny Floro Executive of the Year Award sa ikatlong pagkakataon sa loob ng anim na taon.

Malaki ang naitulong ni Chua sa Gilas Pilipinas men’s national team kasama pa ang paghawak sa programa sa ilalim ng SMC umbrella partikular na sa San Miguel Beer, Barangay Ginebra at Magnolia.

Si Chua ang ikalawang personalidad na nagawaran ng naturang parangal ng tatlong beses.

Una nang naging three-time awardee si RFM team manager Elmer Yanga.

Matatandaang si Chua rin ang Executive of the Year noong 2018 at 2022 habang pinangalanan si Yanga ng tatlong sunod na taon noong 1993 hanggang 1995.

Naging bahagi si Chua ng Gilas Pilipinas bilang team manager sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China kung saan nasungkit ng Pinoy cagers ang gintong medalya sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit anim na dekada.

Ipinasa ni Chua ang trabaho nito sa Gilas kay Barangay Ginebra deputy Richard Del Rosario para makasama si national coach Tim Cone.

Sa Season 48, tatlong SMC teams ang nakapasok sa finals — nakuha ng San Miguel Beer ang Commissioner’s Cup crown laban sa Magnolia, ngunit natalo ito sa Meralco sa Philippine Cup title series.

Show comments