MANILA, Philippines — Buhay pa ang pag-asa ng Blackwater sa quarterfinals matapos umiskor ng 111-94 panalo kontra sa import-less San Miguel sa 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sinamantala ng Bossing ang hindi paglalaro ni Jordan Adams para sa Beermen dahil sa hamstring injury sa pangunguna ng 49 points ni super import George King.
Nakatabla ngayon ang Blackwater sa tenggang NLEX hawak ang parehong 4-5 kartada para sa ikaapat at huling quarterfinal ticket sa Group B.
May tsansa ang Bossing na mapalakas ang pag-asa kung magwawagi sa huling laban kontra sa Rain or Shine (7-2) na nauna na sa quarterfinals kasama ang Ginebra (6-3) at San Miguel (6-4).
Nagawa ito ng Blackwater sa tulong nina Sedrick Barefield at Justin Chua na may 14 at 9 markers, ayon sa pagkakasunod.
Wala si Adams sa laro na siyang huling assignment ng SMB upang ipahinga ang kanyang injury bago ang playoffs at walang patumpik-tumpik na binira ang tsansang ito ng Bossing nang kumaripas sa 30-21 ratsada.
Hindi na pinalamang ng mga bataan ni coach Jeff Cariaso ang SMB buhat doon tungo sa krusyal na tagumpay.
Bumida sina June Mar Fajardo at CJ Perez na may 23 at 21 points, ayon sa pagkakasunod.