MANILA, Philippines — Pumisak na naman ng super grandmaster si GM Julio Catalino Sadorra matapos pagpagin si A. R. Saleh Salem at tulungan ang Philippine men’s chess team na bokyain ang United Arab Emirates, 4-0, sa round nine ng 45th FIDE Chess Olympiad sa BOK Sports Hall sa Budapest, Hungary.
Pinabagsak ni Sadorra si Salem sa board 1 match matapos ang 35 moves ng King’s Indian defense kung saan inatake ng Pinoy woodpusher ang King side ng kalaban.
Sumulong din ng panalo sina GM Daniel Quizon, IMs Paulo Bersamina at Jan Emmanuel Garcia sa boards 2,3 at 4 kontra kina Omran Al Hosani, Sedrani Ammar at Fareed Ahmed, ayon sa pagkakasunod, upang ilista ang 12 match point para sa Pilipinas na sumalo sa malaking grupo sa 20th place.
Dalawang laro pa ang natitira kaya posible pang maungusan nila ang seventh place finish ng Team Philippines noong 1988 edition sa Thessaloniki, Greece kung saan lumaro si GM Eugene Torre sa top board.
Suportado ng Philippine Sports Commission at ni NCFP chief Butch Pichay ang kampanya ng Pilipinas na sunod na makakalaban ang No. 32 seeded Georgia sa 10th at penultimate round.
Kabilang sa ginibang super GM ni Sadorra ay si Vladimir Fedoseev ng Slovenia na siyang tumalo naman kay datiing world champion at kasalukuyang No. 1 Magnus Carlsen ng Norway.