MANILA, Philippines — Nakabalik na sa daan ang NLEX matapos mangibabaw sa 104-79 kumbisidong tagumpay kontra sa sibak nang Phoenix upang manatiling nasa kontensyon ng 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sadsad sa apat na sunod na kabiguan ang Road Warriors bago maputol ito sa wakas at umangat sa 4-5 kartada sa Group A.
Tengga sa ikaapat na puwesto ngayon ang NLEX, habang hindi nalalayo sa 3-5 kartada ang Blackwater para sa huling quarterfinal ticket ng grupo matapos masikwat ng Rain or Shine (7-2), San Miguel (6-3) at Meralco (6-3) ang unang tatlong puwesto.
Nasiguro ng Road Warriors na manatili sa naturang kontensyon sa likod ng 27 points ni import DeQuan Jones na siyang replacement import ni Myke Henry.
Nauna nang nagpasiklab si Jones sa 49 points sa kanyang unang laro subalit nadiskaril sa 114-123 kabiguan ng NLEX kontra sa lider na Rain or Shine.
Sa pagkakataong ito, nakakuha siya ng solidong suporta mula kina Robert Bolick, Baser Amer at Enoch Valdez na may 19, 14 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Matapos yumukod kontra sa Ginebra, Blackwater, San Miguel at Rain or Shine, hindi na nagpatumpik-tumpik ang NLEX nang rumatsada agad sa 30-17 abante sa first quarter.
Hindi na lumingon pa ang NLEX buhat doon tungo sa 25-point win.
Umiskor ng 13, 12, 11 at 10 points sina Sean Manganti, Tyler Tio, Jason Perkins at Raul Soyud, ayon sa pagkakasunod.
Nagkasya lang sa apat na puntos si import Brandone Francis sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa 1-9 kartada.