Pirates nakalusot sa Chiefs sa OT
MANILA, Philippines — Dumiretso ang Lyceum of the Philippines University sa ikalawang sunod na arangkada matapos kunin ang 90-86 overtime win sa Arellano University sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Umiskor sina John Barba at McLaude Guadana ng pinagsamang 11 points sa extra period para sa 2-2 record ng Pirates.
Laglag naman ang Chiefs sa 0-4.
Nagpasabog si Barba ng 25 points, habang may 12 markers si Guadana kasama ang anim na puntos sa extension para sa Lyceum.
Nag-ambag si Gyle Montano ng 16 points at may 11 at 10 markers sina Simon Penafiel at Renz Villegas, ayon sa pagkakasunod.
Isang 29-7 atake ang inilunsad ng Arellano para agawin ang 63-52 abante sa third period mula sa 44-45 halftime deficit.
Nakabangon naman ang Pirates sa fourth quarter para tumabla sa 79-79 sa huling 18.3 segundo patungo sa overtime.
Sa extra period ay hindi na nakabalik sa kanilang porma ang Chiefs.
Pinamunuan ni Maverick Vinoya ang Arellano sa kanyang career-high 22 points, samantalang humakot si Jeadan Ongotan ng 13 points at 11 boards.
Sa ikalawang laro, pinabagsak ng Mapua University ang Letran College, 77-62, tampok ang 18 points at 12 rebounds si Chris Hubilla.
- Latest