MANILA, Philippines — Gagawaran si Robert ‘Sonny’ Jaworski Sr. ng Lifetime Achievement Award sa 30th PBA Press Corps Annual Awards Night sa Setyembre 24 sa Novotel Manila Araneta City.
Ang 78-anyos na si Jaworski ang ikalawang PBA personality na bibigyan ng nasabing special award.
Si Alaska team owner Wilfred Uytengsu ang unang tumanggap nito sa 25th anniversary ng PBAPC noong 2019.
Naglaro si “Big J” sa record na 23 PBA seasons para sa Toyota at Barangay Ginebra na naduplika ni Fil-Tongan big man Asi Taulava noong 2022.
Hinirang na 1978 MVP, nanalo si Jaworski ng kabuuang 13 championships bilang player at coach mula noong 1975 hanggang 1997.
Si Jaworski rin ang nag-iisang player na naglaro sa PBA sa edad na 50-anyos.
Ang tinaguriang “Jawo” ay isang 13-time champion bilang player, coach at playing-coach, isang six-time Mythical First Team, two-time Mythical Second Team, two-time All-Defensive team member at four-time All-Star.