MANILA, Philippines — Tumulak ng panalo sina Grandmasters Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez para akbayan ang Philippine men’s team sa 3-1 pagdaig sa South Africa sa eighth round ng 45th Chess Olympiad sa Budapest, Hungary.
Ipinagpag ni Sadorra si International Master Jan Karsten sa 36 moves ng Queen’s Pawn duel sa board one, habang pinisak ni Gomez si FIDE Master Banele Mhango sa 34 sulungan ng Jaenisch Variation ng Ruy Lopez sa board three.
May nalikom na 10 match points ang mga Pinoy woodpushers at sumalo sa malaking grupo sa top 30.
Nakipag-draw sina IMs Paulo Bersamina at Jan Emmanuel Garcia kina Caleb Levi Levitan at Daniel Cawdery sa boards two at four, ayon sa pagkakasunod.
Bahagyang gumanda ang puwesto ng mga Pinoy chessers na nakalasap ng kabiguan sa mga Armenians at Croats.
Ang kampanya ng Philippine team ay suportado ng Philippine Sports Commission at ni NCFP chief Butch Pichay.
Samantala, bigo ang mga Pinay sa 16th seed Turkey, 1.5-2.5.