Terrafirma nanilat
TNT nawalan ng Signal
MANILA, Philippines — Nakaisa na sa wakas ang Terrafirma at higanteng isda pa ang kanilang nabingwit matapos silatin ang No. 1 at reigning champion na Talk ‘N Text, 84-72, sa 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sibak na kontensyon ang Dyip matapos sumemplamg sa unang walong laro pero hindi ito humadlang sa kagustuhan nilang maputol ang pagkakagutom para sa 1-8 kartada sa Group A.
Nakumpleto ng Terrafirma ang misyon sa kawalan ng import na si Antonio Hester na nadale ng injury sa fourth quarter, kung saan sila rumatsada upang masindak ang Tropang Giga.
Tumabo ng 22 puntos si Hester bago magtamo ng injury habang nag-ambag ng 18 puntos at 5 rebounds si Stanley Pringle upang banderahan ang mga bataan ni coach Johnedel Cardel.
May 10 at 8 puntos din sina Louie Sangalang at Andreas Cahilig, ayon sa pagkakasunod, habang may tig-7 sina Aldrech Ramos at Didat Hanapi.
Kinapos ang Terrafirma sa huling dalawang laban nito nang ga-hibla lang kontra sa Magnolia, 98-99, at Converge, 99-100 bago makaalpas na sa wakas kontra sa TNT na isang beses pa lang natatalo bago ang naturang laban
Nagawa ito ng Dyip matapos bumulusok sa 34-15 ratsada sa payoff period upang mabura ang 50-57 deficit matapos ang tatlong quarters.
Naglista ng 25 at 23 puntos sina reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson at Roger Pogoy, ayon sa pagkakasunod, para sa koponan ni coach Chot Reyes na bahagyang nahulog sa 7-2 kartada.
- Latest