MANILA, Philippines — Nagpunta si Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo sa Pilipinas para agawin kay Filipino world boxing champion Melvin Jerusalem ang suot nitong korona.
At hindi para mamasyal lamang.
Ito ang iginiit ng 27-anyos na si Castillo kahapon sa press conference ng Manny Pacquiao presents ‘Blow By Blow’ sa Manila Hotel.
“I feel fine, I feel strong. I know that it’s my first time to fight in the Philippines, but I like it, I feel fine. I will carry back this belt to Mexico, and it will be a great fight,” sabi ng Mexican fighter sa pamamagitan ng translator.
Itataya ni Jerusalem (22-3-0, 12 KOs) ang hawak na World Boxing Council (WBC) minimumweight kontra kay Castillo (21-0-1, 13 KOs) sa Linggo sa Mandaluyong City College Gym.
Ito ang unang pagkakataon na idedepensa ng 30-anyos na tubong Manolo Fortich, Bukidnon ang WBC crown na napanalunan niya matapos talunin si Japanese Yudai Shigeoka sa Nagoya noong Marso 31.
Ayon kay Jerusalem, hindi niya sasayangin ang ginawa ni Pacquiao para maitakda ang kanyang title defense sa Pinas.
Tinaasan kasi ng dating world eight-division champion ang prize money ng Mexican challenger para sagupain si Jerusalem dito sa bansa.
Si Jerusalem na lamang ang natitirang Pinoy reigning world champions bukod kay Pedro Taduran na kampeon ng International Boxing Federation (IBF) minimumweight division.
Nauna nang naghari si Jerusalem sa World Boxing Organization (WBO) minimumweight class matapos biguin si Japanese fighter, Masataka Taniguchi noong Enero ng 2023.
Ngunit naisuko ito ni Jerusalem kay Oscar Collazo ng Puerto Rico via seventh round TKO noong Mayo ng nasabing taon.