Jones, Converge rumesbak sa Meralco

Inilusot ni Converge import Jalen Jones ang kanyang layup laban sa Meralco.

MANILA, Philippines — Nakabawi ang Converge kontra sa Meralco, 105-97, upang mapalakas ang tsansa nito sa playoffs ng 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Nagpasiklab agad ang bagong import na si Jalen Jones sa 32 puntos upang buhatin sa matamis na higanti ang F­iberXers matapos ang 116-88 kabiguan kontra sa Bolts sa first round.

Kadarating lang ni Jones sa Pilipinas upang palitan ang original reinforcement na si Scotty Hopson matapos ang hip injury nito sa 100-99 panalo nila kontra sa Terrafirma.

At walang abug-abog na nagpakitang-gilas si Jones sa tulong pa ni Alec Stockton na binuhos ang 7 sa kanyang 27 puntos sa huling minuto para mabura ang 96-97 deficit.

Angat sa 5-4 ang kartada ng Convere sa ikatlong puwesto ng Group A sa likod lang ng Talk ‘N Text (7-1) at Meralco (6-3) na siya pa lang nakasikwat ng quarterfinal tickets.

Umakbay kina Jones at Stockton si Justin Arana na may 12 puntos habang may tig-8 sina Schonny Wins­ton at King Caralipio para sa mga bataan ni interim coach Franco Atienza.

Dikdikan ang dalawang koponan sa buong duwelo hanggang sa huling dalawang minuto kung saan nagpakawala ng 9-1 run ang FiberXers tungo sa tagumpay.

Tampok dito ang panlamang na tres ni Stockton, pangdiin niyang jumper at panelyong freethrows.

 

Show comments