MANILA, Philippines — Nirehistro ng University of the East ang unang panalo matapos gilitan ang Far Eastern University, 56-51 sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kahapon.
Tumikada si Ethan Galang ng clutch points sa bandang dulo ng bakbakan upang itakas ang unang panalo ng Red Warriors sa tatlong laro.
Dalawang crucial three-pointers ang sinalpak ni Galang para sa Recto-based squad wala ng dalawang minuto sa orasan upang selyuhan ang importanteng panalo at ipalasap sa Tamaraws ang pangatlong sunod na kabiguan.
Itinarak ng second-year gunner na si Galang ang unang tres may 1:16 minuto na lang sa fourth quarter at saka naglagak ulit sa huling 25 segundo at magsilbing game-winner para sa Red Warriors na lamang na ng tatlo, 54-51.
Lalong binaon ng Red Warriors ang FEU sa dalawang free throws na pinasok ni Galang.
Nilista ni Galang ang 10 points habang bumakas si Gjerard Wilson ng 10 puntos din, anim ay galing sa payoff period.
“I’m glad that the boys responded very well,” ani UE head coach Jack Santiago. “It’s hard to play with a 0-2 record, but we just gave instructions to the boys that we stick together and what happens on the court, we stick with the game plan.”
Maliban sa opensa, ipinaramdam din ng Red Warriors ang kanilang lakas sa depensa kaya nalimitahan nila ang puntos ng mga tirador ng FEU.
Sunod na makakalaban ng Red Warriors ang defending champions De La Salle University Green Archers sa darating na Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa alas-6:30 ng gabi.
Unang laro naman ang Tamaraws kontra saUniversity of the Philippines Fighting Maroons sa alas-4:30 ng hapon.