Stags wasak sa Heavy Bombers

MANILA, Philippines — Sumampa sa win co­lumn ang Jose Rizal University matapos patumbahin ang San Sebastian College-Recoletos, 90-74, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nagkuwintas si MJ Raymundo ng 21 points, 13 rebounds, 3 blocks at 2 assists para sa 1-3 kartada ng Heavy Bombers na inilaglag ang Stags sa 2-2 baraha.

Nagdagdag si Mark Barrera ng 18 markers at may 11 at tig-10 points sina Jonathan Medina, Shawn Argente at Justin Lozano, ayon sa pagkakasunod.

“Ang laking bagay actually. It was a big relief on the side of my team siyempre,” ani coach Louie Gonzales. “Ang challenge ko lang naman sa kanila is to show up.”

Matapos tangayin ang 40-38 halftime lead ay nakalayo ang Jose Rizal sa 64-51 sa huling 2:04 minuto ng third quarter sa likod nina Raymundo at Argente.

Huling naghamon ang San Sebastian sa 64-69 sa pamumuno ni Tristan Felebrito.

Ngunit isang 18-4 bomba ang inihulog ng Heavy Bombers para tuluyan nang iwanan ang Stags sa 87-68 sa huling 2:34 minuto ng final canto.

Sa unang laro, minasaker ng College of Saint Benilde ang University of Perpetual Help System DALTA, 78-51, para sa kanilang ikaapat na dikit na ratsada.

Umiskor si Justine Sanchez ng game-high 13 points para sa 4-0 marka ng Blazers habang may 12 at 10 markers sina Winston Ynot at Gab Cometa.

“Obviously, you prepare for every game and every game you expect to win, but I didn’t think that we’d play this well,” wika ni coach Charles Tiu.

Nahulog ang Altas ni mentor Olsen Racela sa 2-2 baaha.

 

Show comments