MANILA, Philippines — Hindi maawat ang dominasyon ng mga Pilipino sa world stage ng billiards kung saan sumama na si Jeffrey Ignacio sa listahan ng mga bagong kampeon.
Namayagpag si Ignacio sa 37th Japan Open men’s 10-ball matapos ilampaso si Lin Tsung-Han ng Chinese-Taipei sa pamamagitan ng 8-3 desisyon.
Nakapasok si Ignacio sa finals nang gapiin nito si Japanese bet Satoshi Kawabata sa semifinals sa bisa ng 7-5 desisyon.
Napasakamay ni Ignacio ang tumataginting na $9,400 premyo o katumbas ng mahigit P500,000 premyo.
Sa pagsisimula ng knockout stage, kinailangan muna ni Ignacio na magbanat ng buto upang itakas ang gitgitang 8-7 panalo laban kay Kohki Sugiyama ng Japan bago makuha ang sunud-sunod na panalo.
Nagpasalamat si Ignacio sa mga kababayan nitong patuloy na sumusuporta sa kanyang laban.
Naging inspirasyon din nito sina reigning world champion Rubilen Amit at Johann Chua na parehong sariwa pa sa matamis na tagumpay sa kani-kanyang laban.
“Thank you to my inspirations here, to the recent World Champion Rubilen ‘Bingkay’ Amit, who inspired me with your never-give-up attitude, and especially to you, Brother Johann Chua , whose consistency is truly motivating,” ani Ignacio.
Matatandaang sinimulan ito ni Amit nang masungkit nito ang kampeonato sa 2024 Massé WPA Women’s World 9-Ball Championship noong Miyerkules.
Sinundan ito ni Chua ng isa pang kampeonato para sa Pilipinas matapos mamayagpag sa China Open 9-Ball sa Shanghai, China noong Biyernes.