UP makikisosyo sa liderato vs NU
MANILA, Philippines — Nasa kukote ng last year’s runner up University of the Philippines ang sumalo sa tuktok ng liderato pagharap nila sa National University ngayong araw sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament na lalaruin sa Araneta Coliseum.
Magsisimula ang sagupaan ng Fighting Maroons at Bulldogs sa alas-6:30 ng gabi pagkatapos ng labanan sa pagitan ng FEU Tamaraws at UE Red Warriors sa alas-4:30 ng hapon.
Tangan ang 2-0 karta, muling kakapitan ng UP si JD Cagulangan sa opensa upang makuha ang panalo at makasalo sa top spot ang defending champions De La Salle University na may malinis na tatlong panalo.
Kumana si Cagulangan ng 21 points, pitong rebounds at apat na assists sa panalo nila kontra UE noong Sabado kaya naman mananatiling siya ang pangunahin armas ng UP.
“We played well for the first two and a half quarters. In the first half, our offense was flowing nicely, and we were shooting well. Our defense was also strong, allowing only 29 points, but we gave up 42 points in the second half,” pahayag ni UP assistant coach Christian Luanzon.
Maliban kay Cagulangan, huhugot din ng lakas ang UP kina Mark Belmonte, Harold Alarcon, Jacob Bayla, Francis Lopez at Dikachi Ududo.
Pero hindi basta magiging madali para sa UP ang makuha ang panalo sa mabangis na Bulldogs na galing sa panalo.
Hawak ang 1-1 karta, ipinakita ng NU ang kanilang tibay sa dikdikang laro matapos ang unang dalawang pahirapang laban.
Natalo ang Bulldogs sa unang laban pero pinahirapan nila ang Green Archers, 75-78 bago itinakas ang 62-60 unang panalo kontra Tamaraws.
- Latest