Letran itutuloy ang ratsada vs Arellano

Lalabanan ng Knights ang Chiefs ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang San Beda Red Lions at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2:30 ng hapon.
STAR / File

MANILA, Philippines — Puntirya ng Letran College ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Arellano University sa NCAA Season 100 men’s basketball sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Lalabanan ng Knights ang Chiefs ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang San Beda Red Lions at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2:30 ng hapon.

Bumabandera ang St. Benilde tangan ang 3-0 record kasunod ang San Beda (2-1), Perpetual (2-1), San Sebastian (2-1), Mapua (2-1), Letran (1-1), EAC (1-2), Lyceum (1-2), Arellano (0-2) at Jose Rizal (0-3).

Galing ang Knights sa 70-62 panalo sa Heavy Bombers tampok ang 22 points ni Jimboy Estrada, samantalang may ambag na 16 markers si Fil-Am rookie Jace Miller.

“I’m happy nakuha namin ‘yun but again, it’s just the start. Mahaba pa ang liga, marami pang puwedeng mangyari,” wika ni rookie coach Allen Ricardo.

Nakalasap naman ang Chiefs ng 67-69 kabiguan sa Altas sa huli nilang laro.

Sa ikalawang laro, pupuntiryahin ng Red Lions ang ikatlong panalo sa pagharap sa Generals.

Nagmula ang San Beda sa 85-75 paggupo sa San Sebastian at nakatikim ang EAC ng 55-77 pagkatalo sa St. Benilde sa kanilang mga huling laban.

Show comments