MANILA, Philippines — Hindi maawat ang dominasyon ng Pinoy cue masters sa mundo ng billiards.
Muling umangat ang bandila ng Pilipinas nang masungkit ni Johann Chua ang kampeonato sa 2024 Zen&Yuan8 Open 9-Ball tournament na ginanap sa Shanghai, China.
Naglatag si Chua ng matikas na puwersa para palugmukin si Wun Kun-Lin ng Chinese-Taipei sa pamamagitan ng impresibong 13-1 demolisyon sa championship round.
Napasakamay ni Chua ang $12,000 premyo o mahigit P650,000.
“Sa mga sumusubaybay ng Marboys, hati-hati tayo dito, eto, nakuha na natin, finally. Sana tuluy-tuloy itong momentum na ito,” ani Chua.
Nakapasok sa finals si Chua matapos malusutan ang matikas na hamon ni Aloysius Yapp ng Singapore kung saan dumaan ito sa butas ng karayom bago makuha ang pukpukang 11-9 panalo sa semis.
Nagpaabot ng congratulatory message si reigning WPA Women World 9-Ball champion Rubilen Amit.
“Grabe ka hindi mo na kami pinakaba ng finals,” ani Amit.
Sariwa pa si Amit sa matagumpay na pagkopo sa prestihiyosong 2024 Massé WPA Women’s World 9-Ball Championship na kauna-unahang korona ng Pilipinas sa naturang event.
Nagkamit si Amit ng $50,000 premyo sa World 9-Ball. Ngunit hindi pa tapos ang laban dahil sasabak sina Chua at Amit sa 2024 China Open 9-Ball tournament na idaraos din sa Shanghai, China.
Pakay ng dalawa na madugtungan ang dominasyon ng Pilipinas sa billiards ngunit mapapalaban ang mga ito sa matitikas na cue masters sa mundo.
Gaganapin ang China Open sa Pudong Tangzhen Culture and Sports Center.