Unang PVL MVP award ni Gumabao
MANILA, Philippines — Matapos sina Creamline stars Alyssa Valdez, Tots Carlos, Jema Galanza at Bernadeth Pons ay si Michele Gumabao naman hinirang na Most Valuable Player sa Premier Volleyball League.
Ibinigay kay Gumabao ang MVP award matapos pagreynahan ng Cool Smashers ang 2024 PVL Invitational Conference mula sa 21-25, 25-17, 20-25, 26-24, 15-13 pag-eskapo sa Cignal HD Spikers sa one-game finals noong Huwebes.
Ito ang unang PVL MVP trophy ng 32-anyos na si Gumabao.
“Pinakaimportante talaga ‘yung championship kasi ‘yun talaga ang pinaghirapan namin as a team, everything else talagang bonus na lang talaga para sa amin,” sabi ni Gumabao.
Humataw ang three-time PVL Best Opposite Spiker awardee ng 59 points mula sa 52 attacks, apat na service aces at talong blocks sa kampanya ng Cool Smashers sa five-team, nine-day tournament.
Nauna nang nagreyna ang Creamline sa 2024 All-Filipino Conference kontra sa Choco Mucho at Reinforced Conference laban sa Akari para sa kanilang ‘three-peat’.
Hinirang sina Creamline American import Erica Staunton at Venezuelan reinforcement MJ Perez ng Cignal bilang Best Outside Spikers. Sina Jackie Acuña ng HD Spikers at Low Mei Cing ng bronze medalist Kurashiki Ablaze ang kinilalang Best Middle Blockers.
Si Saya Taniguchi ng Kurashiki ang ginawaran ng Best Opposite Spiker, habang sina Kyle Negrito ng Creamline at Kalyarat Khamwong ng EST Cola ang Best Setter at Best Libero, ayon sa pagkakasunod.
- Latest