MANILA, Philippines — Tinusok ng Letran College ang unang panalo sa NCAA Season 100 men’s basketball matapos gibain ang Jose Rizal University, 70-62, kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Humakot si Jimboy Estrada ng 22 points, 9 rebounds at 2 assists para sa 1-1 record ng Knights at inihulog ang Heavy Bombers sa 0-2.
“Kailangan talaga naming makuha iyong panalo,” ani Estrada. “Stay composed lang kami, sinimulan namin sa practice kung ano iyong ginagawa namin, tapos sinabihan lang kami ni coach (Allen Ricardo) iyong mga kailangang i-adjust, iyong mga kailangan naming gawin para maayos namin iyong depensa.”
Nagdagdag si Jace Miller ng 16 points, 5 assists, 2 rebounds at 2 steals para sa kanilang pagsampa sa win column.
Mula sa first period hanggang sa fourth quarter ay naging dikitan ang bakbakan ng Letran at Jose Rizal.
Ang baseline jumper ni Joshua Guiab ang nagtabla sa JRU sa 56-56 sa 5:58 minuto ng final canto.
Ngunit kumonekta si Deo Cuajao ng dalawang sunod na three-point shots sa huling dalawang minuto para ipadyak sa 66-58 kalamangan ng Knights.
Huling nakalapit ang Jose Rizal sa 61-68 matapos ang triple ni Shawn Argente sa 1:49 minuto.
Ipinasok naman ni Estrada ang isang clutch jumper sa natitirang 46.6 segundo para selyuhan ang panalo ng Letran.
Samantala, sumosyo ang University of Perpetual Help System DALTA sa liderato matapos lusutan ang Arellano University, 69-67.
Tumipa si rookie guard Mark Gojo Cruz ng 20 points, 3 rebounds at 3 steals para sa 2-0 marka ng Altas at samahan ang St. Benilde Blazers at San Sebastian Stags sa itaas ng team standings.