MANILA, Philippines — Ipinagpatuloy ng Creamline ang dynasty sa Premier Volleyball League (PVL).
Tinalo ng Cool Smashers ang Cignal HD Spikers, 21-25, 25-17, 20-25, 26-24, 15-13, sa gold medal match para pagreynahan ang 2024 PVL Invitational Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kinumpleto ng Creamline ang unang PVL Grand Slam matapos ang panalo sa nakaraang 2024 All-Filipino Conference laban sa Choco Mucho at Reinforced Conference kontra sa Akari.
“Ngayon talagang sobrang saya namin. Thankful ako sa mga players namin at sa staff namin,” ani Cool Smashers coach Sherwin Meneses na nakahugot kay American import Erica Staunton ng 29 points mula sa 26 attacks, dalawang aces at isang block.
Nag-ambag si Bernadeth Pons ng 27 markers para sa kanilang ika-10 PVL crown.
Ang championship point ng Creamline ay nagmula kay Alas Pilipinas member Jema Galanza.
Samantala, bigo mang maidepensa ang korona ay nakakuha pa rin ang Kurashiki ng karangalan pag-uwi ng Japan.
Inangkin ng Ablaze ang bronze medal matapos walisin ang EST Cola, 25-22, 26-24, 25-20, sa unang laro.
Ito ang ikalawang podium finish ng Japanese champion club matapos pagreynahan ang 2023 PVL Invitationals laban sa Creamline.
Humataw si Low Mei Cing ng 14 points mula sa walong attacks at anim na blocks at nagdagdag si Tanabe Saki, miyembro ng 2023 PVL champion team, ng 13 points mula sa 13 attacks para sa Kurashiki na tinalo ng Cignal para sa finals berth noong Miyerkules.