Mas maganda sigurong pakialaman na ng PBA ang isyu ng NorthPort at ni Dave Ildefonso.
Otherwise, hindi matitigil ang iringan sa dalawang panig na ito gaya ng bagay na nakita sa pagtatapos ng NorthPort-Converge game sa Ninoy Aquino Stadium noong Miyerkules.
Nagkaroon ng confrontation sina NorthPort governor Erick Arejola at Converge assistant coach Danny Ildefonso, ang tatay ni Dave. Walang dudang ito eh, ukol sa “Dave holdout.”
Dapat siguro eh, konting pagpapakumbaba sa side nila Ildefonso dahil iniwan nila ang NorthPort tangan ang “empty bag.”
Ninombra nila si Dave, No. 5 overall sa Season 49 PBA Rookie Draft, sa pag-asang mapalakas ang kanilang guard/forward rotation.
Walang pumilit kay Dave sa pag-register sa draft list, at sumali rin siya sa draft exercise. Nakakuha naman ng contract offer sa NorthPort pero biglang nangayaw at iniwan ang koponan na walang tangan.
Napurnada ang first-round pick ng Batang Pier.
Ang siste, nilait-lait pa ni Danny I ang koponan sa kanyang pakikipagbalitaktakan sa social media.
Hindi makakatulong ang bagay na ito sa mithiing mapaganda ang balanse ng liga.
Dapat patibayin ang league rule sa “holdout” o dapat i-apply ang rule kung meron man na.