Cignal kakasa sa creamline sa finals

Bumida si Jema Galanza sa panalo ng Creamline.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Kasabay ng muling paglalaro ni Alas Pilipinas member Jema Galanza ay ang pagkumpleto ng Creamline sa four-game sweep sa preliminary round sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.

Dinomina ng Cool Smashers ang Farm Fresh Foxies, 25-15, 25-13, 25-19, bilang preparasyon sa one-game finals laban sa Cignal HD ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Humataw si Galanza ng 13 points mula sa 11 attacks at dalawang blocks para sa 4-0 record ng Creamline.

“Sobrang happy na makakapaglaro ulit para sa Creamline Cool Sma­shers,” wika ng two-time PVL Most Valuable Player na hindi nakalaro sa nakaraang PVL Reinforced Conference na pinagreynahan ng Cool Smashers.

“Kapag kailangan si­yempre, ibibigay ko naman iyong 100 percent ko. Kung ano iyong natutunan ko (sa Alas Pilipinas) ia-apply ko lang naman sa game. Important din sa amin, siyempre kuha ng momentum for today’s game,” dagdag nito.

Nagdagdag si Bernadeth Pons ng walong puntos at may pito si Michele Gumabao at limang puntos si American import Erica Staunton.

Pinamunuan ni Japanese reinforcement Asaka Tamaru ang Foxies sa kanyang 10 points, samantalang may anim na marka si Trisha Tubu.

Sa ikalawang laro, tina­kasan ng Cignal ang dating kampeong Kurashiki, 25-23, 19-25, 25-23, 22-25, 15-11.

Humataw si Vene­zuelan import MJ Perez ng 37 points para sa HD Spikers na third-placer sa nakaraang PVL Reinforced Conference.

Magtutuos naman ang Ablaze at EST Cola para sa third place trophy sa alas-4 ng hapon.

 

Show comments