Generals sumuko sa Cardinals

MANILA, Philippines — Bagama’t naisuko ang hawak na double-digit lead ay tinalo pa rin ng Mapua University ang Emilio Aguinaldo College, 69-66, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Bumanat si rookie guard Lawrence Mangubat ng 15 points mula sa limang three-point shots para sa 1-1 baraha ng Cardinals kapareho ng Generals.

Nagdagdag si JC Recto ng 12 markers para sa grupo ni coach Randy Alcantara.

Inilista ng Mapua ang 39-27 halftime lead patu­ngo sa 56-48 abante sa third period bago makadikit ang EAC sa 66-69 mula sa free throw ni Wilmar Oftana sa huling segundo ng fourth quarter.

Hindi na nakaiskor ang dalawang koponan hanggang sa pagtunog ng final buzzer.

Sa unang laro, sumos­yo ang San Sebastian College-Recoletos sa liderato matapos takasan ang Lyceum of the Philippines University, 95-93.

Naglista si guard Paeng Are ng 25 points, 13 assists at 8 rebounds para sa 2-0 kartada ng Stags katabla ang St. Benilde Blazers sa itaas ng team standings.

Laglag ang Pirates sa 0-2.

Nagdagdag si Raymart Escobido ng 23 markers at may 14 points at 15 rebounds si Tristan Felebrico para sa San Sebastian na bumangon mula sa 83-93 pagkakabaon sa huling 1:23 minuto ng fourth quarter.

  

Show comments