Generals sumuko sa Cardinals
MANILA, Philippines — Bagama’t naisuko ang hawak na double-digit lead ay tinalo pa rin ng Mapua University ang Emilio Aguinaldo College, 69-66, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumanat si rookie guard Lawrence Mangubat ng 15 points mula sa limang three-point shots para sa 1-1 baraha ng Cardinals kapareho ng Generals.
Nagdagdag si JC Recto ng 12 markers para sa grupo ni coach Randy Alcantara.
Inilista ng Mapua ang 39-27 halftime lead patungo sa 56-48 abante sa third period bago makadikit ang EAC sa 66-69 mula sa free throw ni Wilmar Oftana sa huling segundo ng fourth quarter.
Hindi na nakaiskor ang dalawang koponan hanggang sa pagtunog ng final buzzer.
Sa unang laro, sumosyo ang San Sebastian College-Recoletos sa liderato matapos takasan ang Lyceum of the Philippines University, 95-93.
Naglista si guard Paeng Are ng 25 points, 13 assists at 8 rebounds para sa 2-0 kartada ng Stags katabla ang St. Benilde Blazers sa itaas ng team standings.
Laglag ang Pirates sa 0-2.
Nagdagdag si Raymart Escobido ng 23 markers at may 14 points at 15 rebounds si Tristan Felebrico para sa San Sebastian na bumangon mula sa 83-93 pagkakabaon sa huling 1:23 minuto ng fourth quarter.
- Latest