Fuller, Nocum ibinangon ang Rain or Shine
MANILA, Philippines — Rumatsada sa fourth quarter ang Rain or Shine upang gapiin ang Phoenix, 122-107, at makabalik agad sa winning column ng 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Pasay.
Nagpakawala ng 12-0 birada ang Elasto Painters sa kalagitnaan ng payoff period para tuluyang ipagpag ang makulit na Fuel Masters at mapatibay ang solo liderato sa Group B hawak ang 5-1 kartada.
Umiskor ng tig-16 puntos sina Adrian Nocum at import Aaron Fuller upang giyahan ang Elasto Painters na naibawi agad ang masaklap na 113-112 kabiguan kontra sa San Miguel noong nakaraang linggo.
Nakahamig sila ng solidong suporta kina Gian Mamuyac at Anton Asistio na may 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang may tig-12 rin sina Andre Caracut, Caelan Tiongson at Felix Pangilinan-Lemetti.
Nagdagdag pa ng 10 puntos si Jhonard Clarito para sa mga bataan ni coach Yeng Guiao, na abante lang ng ga-hibla sa 87-85 pagkatapos ng tatlong quarters.
Bahagya pang naghabol sa two-point deficit ang Elasto Painters bago ang panapos na bomba upang makapagtayo ng 107-97 lead sa huling 5 minuto tungo sa tagumpay.
Pumukol ng 31 puntos si Brandone Francis pero hindi pa rin kinayang mabuhat sa unang panalo ang Fuel Masters na nalaglag sa 0-6 kartada.
Maging ang 22 at 11 puntos nina Jayson Perkins at Kai Ballungay, ayon sa pagkakasunod, ay nasayang para sa koponan ni coach Jamike Jarin.
- Latest