Ginebra babawian ang Blackwater

MANILA, Philippines — Lintik lang ang walang ganti para sa Barangay Gi­nebra, subalit hindi pasisindak basta-basta ang mainit na Blackwater sa 2024 PBA Governors’ Cup ngayon sa Ninoy Aquino Sta­dium.

Magpapambuno ang Gin Kings at Bossing sa alas-7:30 ng gabi para sa main game ng double-header tampok din ang Rain or Shine at Phoenix sa alas-5 ng hapon papasok sa krusyal na bahagi ng elimination rounds.

Matatandaang sinilat ng Blackwater ang Ginebra sa kanilang unang pag­haharap, 95-88, na si­yang naging mitsa ng kanilang three-game winning streak upang maging isa sa pinakamainit na ko­ponan ngayon.

Nagsilbing bayani para sa Bossing ni head coach Jeff Cariaso ang bagong import na si George King na pinadapa ang Gin Kings at hindi pa na­ta­talo sa kanyang PBA debut.

Nabitbit din ni King sa 123-111 at 110-99 panalo ang Blackwater kontra sa Phoenix at NLEX, ayon sa pagkakasunod, para ma­kapuwersa ng tabla sa No. 3 spot hawak ang 3-3 kartada sa Group B.

Subalit ang maulit ito ay hindi magiging madali lalo’t gigil na makabawi ang mga bataan ni coach Tim Cone na umiskor din ng dalawang sunod na panalo simula nang tumaob sa Blackwater.

Sa pangunguna ni resident import Justin Brownlee, kinaldag ng Ginebra ang NLEX, 119-91, at Phoenix, 110-101, para sa 3-2 kartada.

 

Show comments