MANILA, Philippines — Walang pagod si Rubilen Amit na sariwa pa sa matamis na pagkopo ng korona ng 2024 WPA Women World 9-Ball Chamionship sa New Zealand.
Ilang malalaking torneo pa ang lalahukan ni Amit upang masundan ang kanyang panalo sa World 9-Ball Championship.
Mula sa New Zealand ay agad itong tutulak sa Shanghai, China para sa 2024 WPA 9-Ball China Open na gaganapin sa Setyembre 14 hanggang 22 sa Pudong Tangzhen Culture and Sports Center.
Nakakataya ang tumataginting na $165,600 kabuuang papremyo sa naturang torneo.
Matapos ang China Open, saka lamang babalik si Amit sa Maynila para i-celebrate ang kaniyang tagumpay sa World 9-Ball Championship kasama ang mga kababayan nito.
“From here, there’s a China Open in Shanghai, China and then I go back home,” pahayag kahapon ni Amit.
Maliban sa China Open ay nakatakda ring tumulak si Amit sa Taiwan para makapagsanay doon.
“I might go to Taiwan to maybe play a bit and train with them,” ani Amit.
Ilang events din ang dadaluhan nito sa mga probinsya sa Pilipinas kung saan makakalaban nito ang ilang matitikas na male cue masters sa bansa.
“There’s another tournament in the province in the Philippines but that’s against men players that’s for experience to learn from them,” dagdag pa ni Amit.