MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng nagdedepensang San Beda University ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa College of St. Benilde sa NCAA Season 100 men’s basketball sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Lalabanan ng Red Lions ang Blazers ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang upakan ng Perpetual Altas at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-11 ng umaga.
May magkatulad na 1-0 record ang San Beda at St. Benilde matapos manalo sa una nilang laro.
Pinabagsak ng Red Lions ang Lyceum Pirates, 79-63, habang binigo ng Blazers ang Mapua Cardinals, 78-65.
“Hirap ng sked namin, first two games mabigat agad kalaban,” sabi ni San Beda coach Yuri Escueta sa Lyceum at St. Benilde.
Depensa naman ang gagamitin ng Blazers kontra sa Red Lions, ayon kay mentor Charles Tiu.
“It was a good game, we started it on defense,” ani Tiu sa kanilang come-from-behind win sa Cardinals.
Sa unang laro, kapwa target ng Altas at Heavy Bombers ang unang panalo.
Igigiya ni PBA legend Olsen Racela ang Perpetual laban sa Jose Rizal na bigong makapasok sa nakaraang Final Four.
Aasahan ng Altas sina rookie Mark Gojo Cruz at Ruvic Danag sa pagsagupa sa Heavy Bombers.