Tounkara, Padrigao pinasiklaban ang UE
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas agad ang mga bagong players ng University of Sto. Tomas nang talunin nila ang University of the East, 70-55 sa second day ng 87th season ng UAAP men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kahapon.
Bumanat agad si Malienne big man Mo Tounkara sa kanyang unang laro bilang Growling Tigers maging si former Ateneo de Manila point guard Forthsky Padrigao.
Tumikada si Tounkara ng 13 points, apat na rebounds, at dalawang steals habang bumakas ng limang puntos, pitong assists at anim na rebounds si Padrigao para sa España-based squad.
Umalalay at tumulong sa mga baguhan ng UST sina veterans Nic Cabañero at Christian Manaytay.
Kumana ang top scorer ng Grwoling Tigers na si Cabañero ng 14 puntos kasama ang tres sa malapit sa half court habang umiskor si Manaytay ng 10 puntos.
“Ito yung team na binuo natin from last year pa at ngayon, nakikita na natin yung potential ng team,” ani UST head coach Pido Jarencio.
Sa ikalawang laro, magaan na nilipad ng Adamson University Soaring Falcons ang 59-47 panalo sa Far Eastern University Tamaraws.
Pinamunuan ni Royce Mantua ang opensa para sa Soaring Falcons matapos tukain ang 14 points, apat na, rebounds at dalawang assists habang may 11 at 10 markers ang kinana nina Matthew Montebon at Matt Erolon, ayon sa pagkakasunod.
Malaking bagay ang nasungkit na panalo ng Adamson dahil dagdag kumpiyansa ito sa pagharap nila sa susunod nilang laro kontra defending champion La Salle Green Archers sa darating na Miyerkules.
Para sa FEU na minamanduhan ni former PBA Alaska import Sean Chambers, kay Jorick Bautista sumandal ang Tamaraws matapos magtala ng 14 points at pitong boards habang walong puntos at limang rebounds ang binakas ni rookie Veejay Pre.
- Latest