Lyceum giba sa San Beda
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng kanyang lakas si rookie transferee Bryan Sajonia matapos igiya ang nagdedepensang San Beda University sa 79-63 paggiba sa Lyceum of the Philippines University sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumapos si Sajonia na may 18 points para sa kanyang debut sa Red Lions matapos maglaro sa Far Eastern University Tamaraws sa UAAP.
Nag-ambag si team captain Yukien Andrada ng 13 markers para sa Mendiola-based team na hangad ang back-to-back championship.
“I’m just happy we were able to perform what we practiced,” wika ni coach Yuri Escueta. “We knew LPU is gonna give it 100 percent. Masaya ako kahit papaano nasalo namin ‘yung bugso nila especially in the second quarter.”
Ang tinutukoy ni Escueta ay ang pagbangon ng Pirates mula sa 11-2 pagkakaiwan para makadikit sa 29-33 sa second period.
Ngunit isang 11-0 atake ang inilunsad ng San Beda para muling makalayo sa 44-29 sa third quarter patungo sa paglilista ng isang 23-point lead, 75-52, sa huling 4:42 minuto ng final canto.
Humataw si Mclaude Guadana ng game-high 22 points para pamunuan ang Lyceum habang may 13 markers si John Barba.
Maghaharap ngayong alas-12 ng tanghali ang Letran at San Sebastian kasunod ang laro ng Arellano at Emilio Aguinaldo College sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
- Latest