MANILA, Philippines — Matamis na bawi ang tangka ng reigning champion TNT Tropang Giga kontra sa Converge para sa misyong masolo uli ang liderato ng 2024 PBA Governors’ Cup ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.
FiberXers lang ang nakatalo sa Tropang Giga sa first-round kaya lintik lang ang walang ganti sa kanilang rematch para lalong mapalakas ang quarterfinal chances nito.
Katabla ng TNT ngayon ang Meralco sa 4-1 kartada at kung makakabalikwas kontra sa Converge ay masosolo ulit ito lalo na sa huling 3 laban ng elimination rounds.
Matapos ang 96-95 kabiguan kontra sa Converge sa likod ng game-winning four-point shot ni import Scotty Hopson, umiskor na ng dalawang sunod na panalo ang TNT kontra sa Magnolia, 88-82, at Terrafirma, 107-89, para sa magandang momentum.
Muling sasandal ang mga bataan ni coach Chot Reyes kay reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson kahit pa may iniinda itong ankle injury.
Hindi rin nakalaro sa nakaraang panalo nila kontra sa Terrafirma ang ace local na si Calvin Oftana dahil sa minor injury pero hindi sila basta-basta papasindak ulit sa Converge.
“We need willpower and resilience,” ani RHJ na kukuha ng tulong kina Roger Pogoy, Poy Erram, Jayson Castro, Kim Aurin at bagong alas na si Rey Nambatac.
Babandera naman si Hopson para sa FiberXers na sadsad sa 2-3 kartada matapos ang dalawang sunod na kabiguan kontra sa NortPort, 135-109, at Meralco, 116-88.