Creamline sasagupa sa Kurashiki

Sasagupain ng Cool Smashers ang Ablaze ngayong alas-6 ng gabi matapos ang salpukan ng Cignal HD Spikers at EST Cola ng Thailand sa alas-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
PVL

MANILA, Philippines — Muling magkukrus ang landas ng Creamline at nagdedepensang Kurashiki matapos ang finals showdown noong nakaraang taon sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.

Sasagupain ng Cool Smashers ang Ablaze ngayong alas-6 ng gabi matapos ang salpukan ng Cignal HD Spikers at EST Cola ng Thailand sa alas-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tinalo ng Kurashiki sa likod ni dating top scorer Asaka Tamaru, import ngayon ng Farm Fresh, ang Creamline via five-set victory para sa korona ng 2023 PVL Invitational Conference.

Kinumpleto ng Japanese team ang six-game sweep sa nasabing torneo.

Bitbit ng Ablaze ang 2-0 record mula sa 25-13, 25-16, 25-16 dominasyon sa Foxies at 25-20- 25-18, 23-25, 25-21 paggupo sa EST Cola.

Bumanat naman si Michele Gumabao ng 14 points mula sa 12 attacks, isang block at isang service ace para sa 25-13, 25-12, 25-15 paggupo ng Cool Smashers sa mga Thais.

Show comments