Creamline sinisiw ang EST Cola
MANILA, Philippines — Binuksan ng Creamline ang kampanya sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa pamamagitan ng panalo.
Dinomina ng Cool Smashers ang EST Cola ng Thailand, 25-13, 25-12, 25-15, para sa kanilang unang panalo kahapon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Umiskor si Michele Gumabao ng 14 points mula sa 12 attacks, isang block at isang service ace, habang may 10 markers si Bernadeth Pons.
Nag-ambag si American import Erica Staunton ng walong puntos at nagtala si setter Kyle Negrito ng 15 excellent sets para sa opensa ng koponan ni coach Sherwin Meneses.
“Siguro coming into this conference, siguro ang mindset din talaga namin is hindi pa tapos kahit katatapos lang ng nakaraang conference,” ani Negrito.
Nagmula ang Cool Smashers sa pagrereyna sa nakaraang PVL Reinforced Conference kung saan nila tinalo ang Akari Chargers para makopo ang pang-siyam na titulo.
Nalasap ng EST Cola, binubuo ng under-20 national team ng Thailand, ang ikalawang dikit na kamalasan matapos mabigo sa nagdedepensang Kurashiki Ablaze sa pagbubukas ng torneo.
- Latest