MANILA, Philippines — Makikilatis agad ang tikas ng last year’s runner-up University of the Philippines dahil salang agad sila sa pagbubukas ng 87th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament ngayong araw sa Smart Araneta Coliseum.
Makakalaban ng Fighting Maroons ang Ateneo Blue Eagles sa alas-6:30 ng gabi habang ang opening ceremony ay sa alas-11 ng umaga.
Dalawang sunod na second placer ang Fighting Maroons pero para kay coach Goldwin Monteverde, naniniwala siyang hindi iyon mga kabiguan.
Nangangahulugan lamang na may ibubuga ang kanyang koponan at kailangan lang nila mag improve sa bawat games.
“Siguro, it’s just sticking with the process that we know which is trying to improve every game,” ani Monteverde.
Mas magiging determinado pa ang kanyang mga bataan ngayon kahit may ilan sa mga key players nila ang nawala.
Kaya naman kakapitan ni Monteverde sa kanilang unang laro ay sina JD Cagulangan, Harold Alarcon, Gerry Abadiano at nakaraang taong rookie of the Year awardee, Francis Lopez.
Ang ibang natirang players ng UP ay sina Aldous Torculas, Terrence Fortea, Janjan Felicilda, Reyland Torres, Chicco Briones, Sean Altera at Mark Belmonte.
Mga bagong dating sa UP ay sina Quentin Millora-Brown, Sean Alter, Gani Stevens at foreign student-athlete Dikachi Ududo mula sa Nigeria at rookie Jacob Bayla.