Cobb bumuwelta sa mga bashers
MANILA, Philippines — Rumesbak si Akari team captain Michelle Cobb sa mga toxic fans na kaliwa’t kanan ang banat sa kanilang koponan sa social media.
Hindi na maitago ni Cobb ang inis nito sa mga nababasa nitong mensahe matapos ang kontrobesiyal na panalo ng kanilang tropa laban sa PLDT High Speed Hitters sa katatapos na PVL Reinforced Conference.
“Bakit po kailangan umabot sa punto na gusto ninyo pong ma-injure ang mga players? Sumosobra na po kayo. Tama na po. Hindi po kami gumagawa ng rules ng volleyball. Manlalaro lang po kaming lahat,” ayon sa post ni Cobb.
Nanawagan ito na itigil na ang pamba-bash partikular na sa mga players ng Chargers.
“Bilang ‘sports fans’ at hilig po nating lahat ang volleyball, sana po ‘wag po natin pairalin ang pambabastos at pamemersonal sa mga players at coaches,” dagdag ni Cobb.
Naglabas din ng hiwalay na statement ang Akari management kung saan nakikipag-ugnayan na ito sa mga otoridad upang matigil na ang pagbabanta sa mga players at coaches ng team.
“We are coordinating with the proper authorities and taking immediate action to ensure their protection,” ayon sa statement ng Akari.
Naipanalo ng Akari ang laban nito kontra sa PLDT sa semifinals para makaharap ang Creamline sa one-game finale. Subalit natalo ang Chargers sa Cool Smashers sa finals dahilan para magkasya lamang ito sa pilak na medalya.
Ito ang unang podium finish ng Chargers sapul nang sumabak ito sa liga.
Nagdesisyon ang pamunuan ng Akari na hindi na muna magpartisipa sa ginaganap na PVL Invitational Conference upang makarekober ang mga players nito na may injury kabilang na si middle blocker Ced Domingo.
- Latest