MANILA, Philippines — Kaagad mag-uunahan sa pagtatala ng unang panalo ang apat na koponan sa pagbubukas ng NCAA Season 100 men’s basketball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sisimulan ng San Beda University ang pagdedepensa sa korona laban sa host Lyceum of the Philippines University ngayong alas-2:30 ng hapon kasunod ang laban ng Mapua University at College of Saint Benilde sa alas-4:30.
Sa kabila ng pitong holdovers mula sa nakaraang season ay itinuturing pa ring top favorite ang Red Lions sa centennial edition ng NCAA.
“Again, I have yet to see my players play in an NCAA season kasi iba ‘yung preseason sa NCAA. Hindi pa sila nagiging buo kasi may iba na bagong dating lang,” ani coach Yuri Escueta sa iba pang tropa.
Muling aasahan ni Escueta sina team captain Yukien Andrada, Nygel Gonzales, James Payosing, Jomel Puno, Emman Tagle, Joshua Tagala at AJ Royo. .
Determinado naman ang Pirates na makabawi matapos masibak sa nakaraang Final Four.
Nabalewala ang hawak na ‘twice-to-beat’ advantage ng Lyceum sa semifinals nang masibak ng San Beda na tinalo naman ang Mapua sa best-of-three finals.
“Masakit ‘yung nangyari sa amin last year kaya kailangan naming bumawi ngayon lalo na kami pa ‘yung host,” sabi ni Pirates’ team captain at graduating guard Greg Cunanan.