MANILA, Philippines — Humakot si import Rondae Hollis-Jefferson ng 26 points, 11 rebounds, 7 assists at 2 blocks para tulungan ang TNT Tropang Giga sa 107-89 paggupo sa Terrafirma sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nag-ambag sina RR Pogoy at Poy Erram ng tig-14 markers para sa 4-1 baraha ng Tropang Giga kasosyo ang Meralco Bolts sa liderato sa Group A.
Umiskor si Kim Aurin ng 13 points at may tig-10 markers sina Jayson Castro at Rey Nambatac.
Kumamada si import Antonio Hester ng 23 points sa panig ng Dyip na nahulog sa 0-5 marka habang may 18 markers si Christian Standhardinger kasunod ang tig-13 points nina Kevin Ferrer at rookie Paolo Hernandez.
“We knew they were going to come out strong, and like Rondae said I think this ballgame is really a testament to the will power of the players even with the number of injuries we had,” ani TNT coach Chot Reyes sa Terrafirma.
Nakabangon ang Dyip mula sa double digit deficit sa third period para makadikit sa 80-85 sa 6:01 minuto ng fourth quarter.
Isang 15-3 bomba ang inihulog ng Tropang Giga tampok ang three-point shot at jumper ni Aurin para muling makalayo sa 100-83 sa huling 2:31 minuto ng laro.
Samantala, lalabanan ng Barangay Ginebra (2-2) ang Phoenix (0-4) ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang laro ng Blackwater (2-3) at NLEX (3-2) sa alas-5 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Puntirya ng Gin Kings ang kanilang ikalawang sunod na ratsada.
Determinado naman ang Fuel Masters na makasampa sa win column sa pang-limang laro sa Group B.