MANILA, Philippines — Sa siyam nilang kampeonato, ang pagrereyna sa katatapos lamang na 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference ang pinakamatamis.
Ito, ayon kay Creamline coach Sherwin Meneses, ay dahil sa hindi paglalaro nina injured Alyssa Valdez at Tots Carlos at Alas Pilipinas member Jema Galanza habang nasa Japanese league si Jia De Guzman.
“Matamis na matamis. Kahit na wala ‘yung four players namin pero nagtiwala talaga ako sa team namin kasi talagang nag-eensayo sila,” ani Meneses. “At kahit nandiyan ‘yung mga star players namin, hindi sila talaga nagpapabaya.”
Winalis ng Cool Smashers ang Akari Chargers, 25-15, 25-23, 25-17, sa kanilang ‘winner-take-all’ championship game sa harap ng 8,289 fans noong Miyerkules sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maituturing itong ‘Grand Slam’ ng Creamline matapos magwagi sa magkasunod na 2023 Second All-Filipino at 2024 All-Filipino Conference.
Hinirang si Bernadeth Pons bilang tournament Most Valuable Player.
“Fulfilling kasi alam ko kung paano ako magtrabaho everyday, kung paano ako mag-extra effort sa sarili ko rin para maging 100 percent ako sa team kasi ‘yung injury ko nga before,” sabi ni Pons.
Sa paggupo ng Cool Smashers sa Chargers ay pumalo si Pons ng triple double na 19 points, 12 excellent digs at 13 excellent receptions.
Nabalewala naman ang 10-0 record ng Akari na inabot ng nerbiyos sa kanilang unang PVL finals appearance simula nang sumali sa liga noong 2022.
Sa kabila ng kabiguan sa kanilang unang finals appearance simula nang sumali sa PVL noong 2022, ang second place ang pinakamataas na puwestong nakamit ng Chargers ni Japanese coach Taka Minowa.