MANILA, Philippines — Sa kanyang debut sa Paralympics, hindi na masama ang sixth-place finish ni Angel Otom sa swimming competition ng 17th Paris Paralympics na ginaganap sa Paris La Defense Arena.
Ibinuhos ni Otom ang buong lakas nito sa finals kung saan nakipagsabayan ito sa matitikas na tankers.
Ngunit kinapos ito sa bandang huli ng dikdikang laban upang mabigong makapasok sa podium sa women’s 50m backstroke S5 event.
Nagrehistro si Otom ng 44 segundo sa event na dinomina ng tatlong Chinese swimmers.
Aminado si Otom na kinabahan ito dahil sa presensya ng mga world-class para-athletes.
Subalit masaya ito sa kanyang naging performance lalo pa’t ito ang kanyang kauna-unahang partisipasyon sa Paralympic Games.
“Kinakabahan din po, pero overall masaya din. Maganda yung experience. Sobrang proud na nakapunta ako dito,” ani Otom na nakasungkit ng apat na ginto sa 2023 Cambodia Asean Para Games.
Nanguna si Lu Dong na nagsumite ng 37.51 segundo para angkinin ang ginto.
Nasungkit naman ni He Shenggao ang pilak matapos maglagak ng 39.93 segundo habang kinumpleto ni Liu Yu ang 1-2-3 finish ng China nang kubrahin nito ang tanso bitbit ang 42.37 segundo.
Susubukan pa ni Otom na makahirit ng medalya sa pagsabak nito sa kanyang susunod na event sa 50m butterfly sa Setyembre 6.
“To think that this is Angel’s first Paralympics, magandang experience ito para sa kanya,” ani assistant para swimming coach Brian Ong.