MANILA, Philippines — Nakasalang ang dalawang stakes races para lang sa mga babaeng kabayo ang ilalarga ngayong buwan sa pista ng Metro Turf sa Malvar, Tanauan City sa Batangas.
Pakakawalan muna ang 2024 PHILRACOM “Lakambini Stakes Race” na aarangkada sa darating na Linggo kung saan ay nasa 12 tigasing kabayo ang nagsaad ng paglahok.
Susunod na ilalarga ang 2024 PHILRACOM “Sampaguita Stakes Race” na pasisibatin naman sa Setyembre 29 pero wala pang mga kabayong nomidong tatakbo.
Nagdeklara ng paglahok sa Lakambini race ay ang Amazing, Amor My Love, Beltuna, Boss Lady, Caring Melody, Every Sweat Counts, Heartening To See, High Dollar, Malibu Princess, Over Azooming, Primavera at The Kiss.
May nakalaan na P500,000 guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta sa distansyang 1,600 meter race.
Para sa Sampaguita Stakes Race, paglalabanan din ang garantisadong P500,000 premyo na ipamumudmod sa top six na tatawid sa finish line.
Kaya tiyak na aabangan ito ng mga karerista lalo na at mga tigasing kabayo ang paparada sa pista.