Caloy tiwala sa kakayahan ng kapatid
MANILA, Philippines — May ilang payo si world champion at Olympics gold medalist Carlos Edriel Yulo sa mga nakababatang kapatid nito partikular na si Karl Eldrew Yulo.
Naniniwala si Caloy na malaki ang potensiyal ng kanyang kapatid.
Alam nito ang kapasidad ni Karl Eldrew na kayang-kayang maging kampeon sa Southeast Asian Games, Asian Games at Olympic Games balang araw.
Kaya naman may ilang payo ito upang maabot ang minimithing tagumpay at todo suporta ito sa kanyang kapatid.
“Malaki din po ang potential ng kapatid ko na manalo din po, nakasuporta po ako sa kanila,” ani Caloy.
Hindi pa makakapaglaro si Karl Eldrew sa SEA Games sa 2025 sa Bangkok, Thailand dahil sa age limit.
Nasa 16-anyos pa lamang ito habang 18-anyos ang age requirement para makapagpartisipa sa SEA Games.
Nais ni Caloy na ipagpatuloy ng kanyang kapatid ang pagsisikap nito sa training.
“Tuluy-tuloy lang po (sa training), alam ko pong may pangarap din po sya sa buhay,” dagdag ni Caloy.
Marami nang pinagdaanan si Caloy na pagsubok na posibleng masagupa rin ni Karl Eldrew.
Kaya’t pinayuhan nito ang nakababatang kapatid na maging matatag sa bawat pagsubok.
Target ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion na hasain pa sina Karl Eldrew at Eliza Yulo upang magkasama sama ang Yulo siblings sa isang tournament.
- Latest